Ipinagpaliban ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sana sa Oktubre 13, matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Bangsamoro Autonomy Acts (BAA) 58 at 77.

Sa desisyon ng Korte Suprema, inatasan nito ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang paghahanda at ang pagsasagawa ng halalan sa rehiyon sa hindi lalampas sa Marso 31, 2026.

Kasabay nito, iniutos din ng Korte Suprema na ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang magtakda ng panibagong distribusyon ng mga parliamentary district seats bago sumapit ang Oktubre 30, 2025.

Ang BAA 58 ang batas na lumikha ng mga parliamentary districts sa BARMM, habang ang BAA 77 naman ang nag-amyenda rito upang baguhin ang distribusyon ng pitong puwesto ng lalawigan ng Sulu. Inaprubahan ang BAA 77 noong Agosto 2025.

Matatandaang pansamantalang ipinahinto ng Comelec ang paghahanda para sa halalan matapos maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa implementasyon ng BAA 77.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, walang umiiral na batas ngayon na maaaring ipatupad kaugnay ng pagdidistrito sa rehiyon.

Nakahandang maghintay ang Comelec sa magiging aksyon ng Bangsamoro Parliament para sa panibagong hakbang sa redistricting at pagdaraos ng halalan sa itinakdang panahon.