Nagbabala ang Department of Agriculture Region 2 laban sa mga nagbebenta ng mga pekeng binhi ng mais.
Ginawa ni Roberto Busania, technical director for operation and extension ng nasabing tanggapan ang pahayag kasunod nang pagkakahuli sa ilang nagbebenta ng pekeng corn seeds sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Sinabi ni Busania na batay sa nakuha nilang resibo mula sa mga bumili ay P5,500 ang benta sa isang sako ng corn seeds na gawa ng isang kilalang kumpanya na ang dapat na presyo ay P6,000.
Ayon kay Busania, 192 bags ang nakumpiska ng mga otoridad na nagkakahalaga ng halos P1 milyon.
Dahil dito, hinikayat ni Busania ang mga magsasaka na maging mapanuri sa kanilang binibiling binhi ng mais at palay.
Panawagan din niya sa mga seed companies na magsagawa din ng monitoring sa kanilang mga produkto upang matiyak na hindi ginagamit ang kanilang kumpanya para makapagbenta ng pekeng mga binhi.
Sinabi ni Busania na agad na kumilos ang mga pulis at maging ang municipal agriculture office ng Tumauini ng may magreklamo sa kanyang nabili na pekeng corn seeds.