
Tinupok ng apoy ang nasa 100 tirahan Bacoor City, Cavite nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat ng Bacoor Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-8:29 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sitio Baulate, Brgy Dulong Bayan ng nasabing lungsod.
Idineklara ang unang alarma bandang ala-8:30 ng gabi, kasunod ang ikalawang alarma bandang alas-8:33 ng gabi at under control na dakong alas-9:00 ng gabi.
Tinatayang nasa humigit kumulang sa 80 residential houses ang nilamon ng apoy at mahigit sa 100 pamilya o 300 indibidwal ang apektado sa sunog.
Ayon sa BFP, napag-alaman na nagsimula umano ang sunog sa isang bahay na umano’y nagsusunog ng tanso upang ibenta ito.
Tatlong residente ang nagtamo ng minor injuries, galos at paso.
Inaalam pa ang kabuuang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Nagbigay naman ng tulong ang pamahalaang lungsod ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Strike Revilla upang maibsan ang kalungkutan at hinagpis ng mga biktima ng nasabing insidente ngayon papalapit ang kapaskuhan.










