Aabot sa halos isang daang biktima ng online paluwagan ang dumulog sa tanggapan ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que upang humingi ng tulong laban sa operator nito na nangako ng malaking kita subalit nagtatago na sa kasalukuyan.
Ayon kay Mayor Que, ang mga biktima na pawang mga kabataan ay mula sa lungsod na posible pang madagdagan sa mga susunod na araw makaraang matangayan ng kabuuang P35 milyon.
Sa umpisa ay nakapay-out pa nang doble mula sa perang ininvest ang ilan sa mga biktima makalipas ang isang buwan subalit sa huli ay nagtatago o hindi na matawagan ang operator nito na nakilala lamang nila sa social media platform.
Aniya, may sistemang Ponzi scheme o pyramid ang kanilang pinasok dahil kinakailangan nilang mag-recruit para punan ang 100 slot upang makakolekta ng pera mula sa mga na-recruit.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Mayor Que sa National Bureau of Investigation Cybercrime Unit ang naturang kaso para sa kaukulang imbestigasyon at matukoy ang nasa likod ng scheme.
Nagbabala naman ang alkalde na huwag maniwala sa mga ganitong uri ng scam o panlilinlang na aniyay isang instant money.