Ligtas na nakabalik sa isla ng Calayan matapos marescue ang nasa halos 20 pasahero at crew ng dalawang motorbanca na nagkaaberya sa kalagitnaan ng kanilang biyahe papuntang Claveria, Cagayan.

Ayon kay Joe Robert Arirao, Brgy Kagawad ng Brgy Dadao at isa sa mga pasahero na alas singko ng madaling araw kahapon ng bumiyahe sila mula Calayan subalit sa kalagitnaan ng kanilang biyahe ay bigla silang nakaranas ng malalakas na hangin na sinabayan ng malakas na ulan at mataas na alon.

Dahil sa pagpasok ng mga tubig sa motorbanca ay nagpasya ang kapitan ng motorbanca na bumalik sa isla ng Calayan habang ang kanilang convoy na isa pang motorbanca ay nagpatuloy sa kanyang biyahe na kalaunan ay napasukan din ng tubig.

Agad namang tumugon sa tawag ng mga pasahero ang Search and Rescue na ipinadala ng Calayan LGU at Brgy Captain ng Brgy Dadao, katuwang ang Coast Guard Calayan na siya namang humila sa dalawang motorbanca papunta sa pampang.

Ang mga pasahero ay ligtas namang inilipat sa mas malaking bangka na MB Rosario at MB-LA na siyang nagdala sa kanila sa pampang habang ilan sa mga kagamitan at pera ng mga pasahero ay tinangay ng tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nasa tig-siyam ang sakay ng dalawang motorbanca na pawang mga mag-aaral na papunta sana sa mainland para sa enrollment at mga senior citizen para sa kanilang check-up, at mayroon din mag-ina.