
Patuloy na naka-alerto at naka-standby ang itinatag na Incident Command Post ng Tuguegarao City para sa mabilis na pagtugon sa epekto ng pagbaha sa Lungsod dahil sa pag-apaw ng tubig sa Cagayan river.
Itoy matapos umabot sa 9.2 meters ang antas ng tubig sa Buntun bridge na lagpas na sa critical level na 9 meters bunsod ng mga bumababang tubig mula sa karatig probinsya na nakaranas ng matinding pag-ulan dahil sa bagyong Paolo at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.
Ayon kay Aileen Guzman, CSWD Quick Response Management Team Leader, nasa 79 pamilya na kinabibilangan ng 290 indibidwal mula sa barangay Cataggaman Nuevo, Centro 10, San Gabriel at Ugac Norte ang inilikas.
Sa naturang bilang, tatlong pamilya ang nasa evacuation center sa Brgy San Gabriel at Cathedral Gymnasium.
Sinabi ni Guzman na tuluy-tuloy ang paghahatid nila ng tulong gaya ng pamamahagi ng family food packs sa mga apektadong residente.
Nananatili namang hindi madaanan ng mga motorista ang Capatan Overflow Bridge at ilang kalsada sa Lungsod dahil sa pag-apaw ng Pinacanuan river.
Sa kasalukuyan, tatlong spillway gates na lamang ang bahagyang nakabukas, na may kabuuang taas na 5 metro sa Magat Dam.
Ang unti-unting pagsasara sa anim na binuksang spillway gate ng Magat Dam ay dahil sa paghina na ng inflow o pumapasok na tubig.
Patuloy pa rin na minomonitor ng NIA-MARIIS ang kondisyon ng Magat Watershed at daloy ng tubig sa Magat Reservoir.