Umabot na sa 299 na magsasaka sa rehiyon dos ang nasertipikahan ng DA Regional Field Office 2 na sumusunod sa Good Agricultural Practices (GAP) sa kanilang produksiyon ng palay, mais at gulay.
Ayon kay Regulatory Division Chief Remedios dela Rosa ng DA RO2, ito ay sa pamamagitan ng kanilang Good Agricultural Practice Certificate Program.
Sa nasabing programa, ang mga magsasaka ay ginagabayan na sumunod sa itinatakda ng Philippine National Standard-Code of Good Agricultural Practices o PNS-GAP, kapag nakumpleto ang mga ito ay binibigyan sila ng sertipikasyon.
Ang sertipikasyon ay patunay na sumunod ang magsasaka sa mga karapat-dapat na gawain o practices upang matiyak ang kaligtasan ng pagkain, kalidad ng produkto, kaligtasan ng kapaligiran at kalusugan ng mga manggagawa.
Bukod sa 299 farmers na pumasa sa GAP, 39 farmers din ang nabigyan ng pesticide residue compliant certificate na ang ibig sabihin ay kontrolado ang paggamit nila ng pestisidyo ayon sa itinatakda ng Philippine National Standard.