Namahagi ang DAR ng 3,738 titulo ng lupa sa 3,672 Agrarian Reform Beneficiaries sa ilalim ng regular na Emancipation Patent/Certificate of Land Ownership Award (EP/CLOA) at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT).

Saklaw ng mga titulong ito ang kabuuang 6,120.83 ektarya ng lupang agrikultural sa buong rehiyon ng Cagayan Valley, na magbibigay sa mga magsasaka ng ganap na karapatang magmay-ari, magpamuhunan, at magpaunlad ng kanilang lupa.

Nagkaloob din ang DAR ng 1,706 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoMs) sa 1,344 ARBs, na magpapatawad sa milyon-milyong pisong hindi pa nababayarang amortisasyon sa lupa.

Saklaw din nito ang 1,922.82 ektarya ng sakahan at inaasahang magpapalaya sa mga magsasaka mula sa pasaning pinansyal upang maituon ang kita sa pagpapabuti ng sakahan, pangangailangan ng pamilya, at pagpapalago ng kabuhayan.

Bilang karagdagang suporta sa paglago ng agrikultura at katatagan ng mga komunidad, ililipat din ng DAR ang ₱347 milyon na halaga ng mga proyektong farm-to-market roads, ₱45.22 milyon na halaga ng makinarya at kagamitang pansakahan, at ₱2.89 milyon na halaga ng relief goods sa mga benepisyaryo sa buong rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella na sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa, pagkakaltas ng utang ng mga magsasaka, at pagbibigay ng mahahalagang suporta, hindi lamang ari-arian ang naibibigay sa mga magsasaka kundi pati dignidad, katatagan, at matibay na pundasyon para sa pagpapanatili ng kabuhayan ng mga magsasaka

Sinabi pa nya na bbahagi ang aktibidad sa mandato ng ahensiya na tiyakin ang ganap na pagmamay-ari ng lupa ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at maghatid ng mahahalagang suportang magpapabuti sa produksyon sa sakahan at kabuhayang panlalawigan.

Aniya Sa pamamagitan ng pinagsama-samang interbensiyong ito, patuloy na pinapalakas ng DAR ang kakayahan ng mga magsasaka, isinusulong ang katarungang agraryo, at isinasakatuparan ang pangako ng pamahalaan sa tunay na reporma sa lupa at napapanatiling kaunlaran sa Cagayan Valley.