Umabot sa 690 pamilya o katumbas ng 2,765 katao na apektado ng bakbakan sa pagitan ng militar at new peoples army sa bayan ng Penablanca, Cagayan kamakailan ang inabutan ng tulong ng Department of Social Welfare and Development o DSWD region 2.

Pinangunahan ni Regional director Lucia Alan ang pagkakaloob ng ng tig- P5K financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng kaguluhan kung saan nakapaloob ang programang ito sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)

Sa kanyang talumpati, inihayag ni Alan na patuloy na nagsusumikap ang ahensya upang maiparating ang kinakailangang tulong at serbisyo sa mga apektadong pamilya.

Aniya, ito ay alinsunod sa direktiba ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na lahat ay mabibigyan ng tulong at walang maiiwan sa proseso ng pagbangon mula sa nangyaring sagupaan.

Samantala, mangiyak-ngiyak namang nagpasalamat si Gng. Mary Jane Calagui, 45 anyos sa natanggap na financial assistance na aniya ay malaking tulong upang pambili ng pagkain at pang-allowance ng kanilang mga anak.

-- ADVERTISEMENT --

Kwento pa ni Gng. Calagui, sobrang takot ang kanyang naramdaman dahil ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganito sa kanilang lugar.

Aniya, silang mag-asawa lamang ang nasa kanilang bahay noon at mabuti na lamang umano na wala ang kanilang mga anak na kasalukuyang nag-aaral sa ibang barangay.

Sa kabuuan, umabot sa P3.4 milyon ang naipaabot na tulong pinasyal sa 645 pamilya mula sa Brgy. Lapi at 45 pamilya naman ang mula sa Brgy. Minanga.

Nauna naring namahagi ang ahensya ng family food packs sa lugar upang matiyak na may sapat na suplay ng pagkain ang mga apektadong pamilya.