Tinatayang nasa 492 na katao ang namatay sa pinalakas at malawakan na air strikes ng Israel na puntirya ang Hezbollah sa Lebanon.
Ayon sa health ministry ng Lebanon, ito na ang pinakamalala na kaguluhan sa kanilang bansa sa loob ng halos 20 taon.
Libu-libong pamilya din ang lumikas sa kanilang mga tahanan kasabay ng pahayag ng Israeli military na tinamaan nila ang 1,300 Hezbollah targets sa operasyon na layuning sirain ang mga imprastraktura na ipinatayo ng armadong grupo buhat noong giyera noong 2006.
Ayon sa militar, nagpakawala naman ang Hezbollah ng 200 rockets sa northern Israel.
Ayon sa paramedics, dalawang katao ang nasugatan ng shrapnel.
Sinabi pa ng health ministry ng Lebanon, 35 bata at 58 na babae ang kabilang sa mga namatay, habang 1,645 na iba pa ang nasugatan.
Hindi naman sinabi kung ilan sa mga casualties ang mga sibilyan o combatants.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si UN Secretary General António Guterres sa patuloy na paglala ng sitwasyon at sinabi na ayaw niya na maging isa pang Gaza ang Lebanon.
Sinabi naman ni EU foreign affairs chief Josep Borrell na ang sitwasyon ay napakapanganib at nakakaalarma habang papalapit ang pagtitipon ng world leaders sa UN sa New York.