Umabot na sa halos limang libong household ang nahatiran ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Rizal, Cagayan ng relief packs sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ayon kay Vice Mayor Joel Ruma, 1st batch na namahagi ng relief packs ang bawat Barangay at sunod na namahagi ng relief goods ang LGU sa 4,780 na kabahayan na may lamang limang kilong bigas at limang sardinas.

Dagdag pa ni Ruma na tuloy-tuloy ang pamimigay ng tulong at magkakaroon pa ng distribution sa mga susunod na Linggo sa pamamagitan ng ayudang ibinaba ng provincial government.

May 500 sako pa ng bigas ang LGU na ipapamahagi rin para sa susunod na mga araw.

Samantala, sinabi ni Ruma na nananatiling alerto ang bayan ng Rizal kahit na wala pa itong naitatalang positibong kaso ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa alkalde, may tinututukan silang 4 persons under monitoring (PUM).

Paliwanag ni Ruma na ang kanilang PUMs ay nanggaling sa Manila at kasalukuyang sumasailalim sa 14 days quarantine.