TUGUEGARAO CITY – Umaabot sa P4.8 milyon ang halaga ng iniwang pinsala sa sektor ng agrikultura ng bagyong Jenny sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Regional Technical Director for Operations and Extension Roberto Busania ng Department of Agriculture-Region 2, na sakop nito ang 1,478 hectares ng palayan mula sa limang bayan sa Northern Cagayan na “partially damaged” dahil sa pagbaha.

Tiniyak naman ng kagawaran na mayroong matatanggap na libreng binhi ang mahigit 900 apektadong magsasaka.

Sinabi ni Busania na pinakamarami ang naapektuhang magsasaka sa bayan ng Allacapan na sinundan ng Aparri, Camalaniugan, Lal-lo at Solana.

Wala namang naitalang pinsala sa high value crops at livestock sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, maituturing namang biyaya ang ulang hatid ng bagyo sa Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino na makakatulong sa tanim ng mga magsasaka.

—with reports from Bombo Efren Reyes, Jr.