Halos 60 drivers ang nasita sa isinagawang “one-time, big-time operations” ng pinagsanib na puwersa ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at PNP-Highway Patrol Group laban sa mga pasaway na motorista sa Cagayan.

Ayon kay PMAJ Rey Sales, head ng HPG-Cagayan na kabuuang 59 drivers ang natikitan at kailangang magbayad ng multa depende sa kanilang violation sa batas trapiko.

Karamihan sa mga nasita ay ang top loading at overloading sa mga pampubliko at pribadong sasakyan na mahigpit na ipinagbabawal.

Paliwanag ni Sales na hindi lagayan ng pasahero o tao ang likuran ng pick-up, truck, elf at iba pang sasakyan na may bakante sa likod dahil ito ay para sa mga produkto, kagamitan at iba pa.

Bukod dito, mahigpit din na ipinatutupad ang panuntunan sa paggamit ng LED lights sa motorsiklo at mabilis na pagpapatakbo.

-- ADVERTISEMENT --

Layon ng hakbang, ayon kay Sales na maiwasan ang pagdami ng mga aksidente sa kalsada kasunod nang nangyaring aksidente sa lalawigan ng Apayao na ikinamatay ng 19 katao.

Ito rin aniya ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na istriktong ipatupad ang mga batas trapiko sa buong bansa.