Matagumpay na naihatid ng Philippine Air Force pabalik ng mainland ang nasa 80 pasaherong na-stranded sa Batanes dulot ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Ayon kay Fire Supt. Franklin Tabingo, Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection–Batanes, kinabibilangan ito ng mga turista at lokal na na-stranded bunsod ng mga kanselasyon ng biyahe ng mga airline sa Basco.
Isinakay ang mga ito sa C-130 transport aircraft ng Philippine Air Force (PAF) na nagdala ng mga food at non-food items, kabilang na ang mga gamot sa isla mula sa Office of Civil Defense, Department of Social Welfare and Development at Department of Health.
Samantala, sinabi ni Tabingo na apektado na ang pangkabuhayan ng mga mangingisda sa isla dahil bawal pa rin silang pumalaot dulot ng masamang panahon.