
Inihain ng Makabayan Bloc sa Kamara ang isang resolusyon na layong imbestigahan ang umano’y mga anomalya sa Government Service Insurance System o GSIS.
Kabilang dito ang umano’y 8.8 billion pesos na pagkalugi at kahina-hinalang investments ng state insurer kung saan nasa 2 point 6 million government employees ang nalagay sa alanganin.
Ayon kay House Deputy Minority Leader Antonio Tinio, dapat lamang masilip ng Kamara ang mga akusasyon ng financial mismanagement, kakulangan sa transparency, at paglihis sa tamang pamamaraan ng pamamahala sa GSIS.
Hindi aniya dapat pumayag ang gobyerno na malagay sa kapahamakan ang pinaghirapang contributions ng mga guro, nurse, at iba pang government workers dahil sa mga kahina-hinala umanong investment tulad sa mga gambling-related company.
Bukod dito, dapat umanong suriin ang bilyun-bilyong pisong transaksyon sa ilang kumpanya.
Nanawagan naman si Tinio kay Pangulong Bongbong Marcos na panagutin ang mga mapatutunayang nasa likod ng pagkawala ng pondo ng taumbayan dahil dito.










