Halos 9,000 aplikasyon para sa crop insurance at claims ng mga magsasaka sa rehiyon dos na naapektuhan ng nagdaang bagyong Egay ang naproseso na ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Ayon kay Luterio Sanchez, Jr., Claims Division Chief ng PCIC-RO2 na posibleng sa susunod na Linggo ay sisimulan na nilang ibigay ang insurance claims o tseke ng mga magsasaka na naunang nakapag-apply at isinailalim na sa claim verification and loss assesment.

Batay sa datos ng PCIC-RO2 mula August 5 ngayong taon, halos 90% na ang natanggap ng ahensya na aplikasyon o mayroon nang kabuuang 25,584 na magsasaka at mangingisda na naka-insured ang nakapag-apply na upang makakuha ng insurance.

Pinakamarami sa mga nakapag-apply ay mga magsasaka sa mais sa bilang na 23,193 corn claimants habang 2,185 sa palay at 112 para sa mga High Value Crops.

Sa fishery sector ay nasa 31 fish grower, kabilang na ang mga nasiraan ng bangka mula sa coastal areas at downsrtream Cagayan habang wala pang nag-aaply para sa livestock.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Sanchez na sa free insurance ay nasa P20-K ang makukuha ng isang magsasaka sa bawat ektarya na lupang sinasaka ngunit mababawasan ang naturang halaga na ibibigay depende sa pinsalang natamo ng kanilang mga pananim.

Mayroon namang 20-araw mula nang manalasa ang bagyong Egay ang mga benepisaryo na makapag-apply ng indemnity claims habang target ng ahensya na mabayaran ang indemnity claims sa loob ng 20-araw hanggang isang buwan na maituturing na mas mababa sa dalawang buwan na kanilang palugit.

Tinatayang nasa P136.9 milyon ang babayaran ng ahensya sa lahat ng mga claimants at maaari pa namang humingi ng karagdagang pondo kung kinakailangan.