Aabot sa 95,906 katao o 30,682 pamilya sa Luzon ang naapektuhan ng Bagyong Bising at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
Sa kanilang pinakahuling ulat, sinabi ng NDRRMC na karamihan sa mga apektadong komunidad ay mula sa Ilocos Region, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa kabuuang bilang ng mga naapektuhan, siyam na katao o dalawang pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center, habang 3,026 katao o 1,022 pamilya ang pansamantalang nakikituloy sa iba’t ibang lugar.
Ayon pa sa ulat, mayroong pagbaha sa 53 lugar, dalawang insidente ng landslide, at dalawang kaso ng pagbagsak ng mga debris dahil sa masamang panahon.
Labing-anim na kabahayan ang naitala ring nasira — 12 dito ay bahagyang nasira, habang apat naman ang tuluyang nawasak. Tatlong kalsada rin ang nananatiling hindi madaanan ng mga motorista.
Dahil sa banta ng masamang panahon, sinuspinde ang klase sa 247 lugar, habang ang trabaho naman ay kanselado sa 36 na lugar.
Umabot naman sa ₱687,569 ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektado, ayon sa NDRRMC.