Patuloy na nagsasagawa ng pag-iikot ang mga opisyal kabilang ang alkalde ng bayan ng Tuao, Cagayan sa gitna nang nararanasang pagbaha sa malaking bahagi ng nabanggit na bayan.

Sinabi ni Warren Turo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na maraming barangay ang taas-tuhod ang tubig- baha bunsod ng 48 oras na pag-uulan.

Ayon kay Turo, may mga lumikas na mga residente subalit hindi sila pumunta sa mga evacuation centers sa halip ay ipinatupad nila ang adopt a neighbor scheme.

Sinabi pa ni Turo na binaha na rin ang mga tulay sa kanilang bayan maliban lang sa Itawes bridge na maaari nang madaanan matapos na bahagyang humupa ang tubig-baha.

Gayonman, sinabi niya na patuloy ang monitoring ang MDRRMO dahil sa nakakaranas pa ng pag-uulan sa kanilang bayan at posibleng sa mga susunod na oras ay muling maiipon ang tubig lalo na sa mga low lying areas.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na may isang bahaya na nasira matapos na madaganan ng natumbang puno ng sampalok sa Brgy. Santo Tomas.

Wala namang nasaktan sa nasabing insidente dahil nagkataon na wala ang naninirahan na doon pamilya na binubuo ng apat katao.

Sinabi niya na nagsasagawa na rin ng on site inspection ang mga tauhan ng Municipal Agriculture Office sa mga pananim na naapektohan ng malawakang pagbaha.

Hindi muna pinapayagan na makabalik sa kanilang mga tahanan ang 56 na pamilya na binubuo ng 197 individuals sa bayan ng Alcala, Cagayan dahil sa pangamba na bibigay ang small water impounding project sa Barangay Cabuluan.

Sinabi ni PMAJ George Maribbay, hepe ng PNP Alcala na isinailalim sa pre-emptive evacuation ang mga nasabing residente matapos na makitaan ng bitak ang gitna ng nasabing proyekto matapos na tumaas ang tubig bunsod ng walang malalakas na ulan kahapon dala ng bagyong Goring.

Ayon kay Maribbay, nagsasagawa na ng assessment ang Environment Management Buruea, Department of Environment and Natural Resources at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Alcala sa sitwasyon ng nasabing impounding project para sa gagawing kaukulang aksion.

Umaasa si Maribbay na hindi na tataas pa ang tubig sa water impounding project at wala nang paggalaw para hindi madagdagan ang sita nito dahil kung tuluyang bibigay ay may maaapektohan na mga kabahayan.

Samatala, sinabi ni Mayor Rendon ng bayan ng Amulung na impassable na ang Goran-Cordova Bridge habang binabantayan ang dalawa pang tulay dahil sa malapit na rin ang umapaw ang tubig sa mga ito.

Dahil dito, sinabi ni Rendon na pinapabantayan niya ito sa kanilang engineers at maging sa mga pulis upang matiyak na walang dadaan sa mga nasabing tulay kung aapaw na ang tubig upang maiwasan ang anomang hindi magandang insidente.