photo credit to: Guru Press Cordillera

Tuguegarao City- Nasabat ng mga otoridad sa Kalinga ang mahigit tatlong kilong tubular marijuana na nakabalot sa plastic mula sa sasakyan ng isang lalaking naharang sa quarantine checkpoint sa bahagi ng Barangay Bantay, Tabuk City.

Kinilala ang suspek na si Romel Tacata, 38 anyos, tubong Tondo Manila at naninirahan umano sa Sto. Tomas, Ilocos Norte.

Sa panayam kay PCOL Davy Vicente Limmong, Director ng PNP Kalinga, umaabot sa 3.9kilograms ang mga nakuhang pinatuyong dahon ng marijuana sa sasakyan nito na may halagang mahigit P468,000.

Aniya, maaaring galing sa Mountain Province at upper municipalities ng Kalinga ang suspek bago ito maharang sa checkpoint.

Bukod dito ay nakuha din aniya sa kanya ang isang styrobox na may yelo at sa loob ay may kahong naglalaman ng hinihinalang fetus na ayon sa suspek ay anak niya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Limmong, patuloy pa ring inaaalam ng pulisya ang totoong impormasyon kaugnay dito.

Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang kaso.

Tinig ni PCOL Limmong