Aabot sa kabuuang P339.9 milyon halaga ng marijuana sa 25 plantation sites ang binunot at sinunog ng pinagsanib na pwersa ng mga otoridad na kinabibilangan ng 503rd infantry brigade sa apat na araw na operasyon sa Tinglayan, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Capt Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) 5th Infantry Division Philippine Army, mahigit 1.5 milyon na fully grown marijuana plants ang nakuha sa 11 plantation sa Brgy Tulgao, 12 plantasyon sa Brgy Loccong at 2 plantasyon sa Barangay Butbut.
Bukod dito ay sinira rin ng mga otoridad ang mga nakuhang marijuana seeds, marijuana stalks, at fruiting tops mula sa 121,300 square meters na lawak ng lupain.
Sa naturang operasyon sa Brgy Butbut, sinabi ni Pamittan na tatlong indibidwal na kinabibilangan ng isang menor de edad ang nahuli sa aktong nag-aani ng mga iligal na droga kung saan nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang isang cal. 22, isang cal. 9mm, isang 12-gauge ARMSCOR shotgun, dalawang magazines na may lamang bala.