Tinatayang aabot sa kalahating milyong piso ang danyos sa sunog na sumiklab sa isang bahay maghahating-gabi nitong Sabado sa Tuguegarao City.

Ayon kay SFO2 Ronolfo Maramag ng Bureau of Fire Protection (BFP) Tuguegarao, ganap na alas 11:13 ng gabi nang matanggap ang tawag na nasusunog ang bungalow na bahay na pagmamay-ari ni Lolita Dela Cruz, 88-anyos ng Mayon St., Brgy San Gabriel.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero sa sunog gamit ang apat na fire trucks ng lungsod, kasama ang BFP- Penablanca.

Sinabi ni Maramag na mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay habang agad namang nakalabas ang may-ari nito, kasama ang kaniyang anak na isang stroke patient at apo na estudyante.

Maswerteng walang nadamay na iba pang istruktura sa sunog na idineklarang fire out ganap na 11:48 ng gabi na tumupok sa buong bahay at wala ring naisalbang gamit ang pamilya na nagkakahalaga ng P500K.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay SFO1 Antolin Soriano ng BFP-Tuguegarao, faulty wiring ang isa sa kanilang tinututukan na dahilan ng sunog na nagsimula sa kwarto ng estudyante.

Sa ngayon pansamantalang nananatili ang nasunugang pamilya sa bahay ng anak nito sa Brgy Carig.