Napigilan ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpuslit ng nasa 70 kilograms ng shabu na nagkakahalaga ng halos P500 million na itinago sa tatlong balikbayan boxes sa isang bodega sa Tondo, Manila.
Sinabi ni Customs chief Ariel Nepomuceno, nadiskubre ang mga iligal na droga nang isagawa ang x-ray scanning.
Ayon sa kanya, nakita ng BOC examiners ang kahina-hinalang imahe sa dalawang container vans na idineklara na household goods at personal effects, na isinailalim sa beripikasyon.
Isinagawa rin ang physical examination sa shipment ng mga awtoridad kasama ang K9 units, na kinumpirma ang presensiya ng iligal na drogra na nagkakahalaga ng P476 million.
Nagmula ang shipment sa Long Beach, California, USA, at ang consignee ay sa isang residential address sa Bacoor City, Cavite.
Ang nakumpiskang mga kahon ay naglalaman ng 24 kilograms na itinago sa maliit na kahon at isang backpack, isa pang 27 kg sa isang box at branded backpack na inihalo sa mga delata, at 19 kg sa ikatlong kahon na kasama ng ilang personal effects.