Tuguegarao City- Aabot na sa halos P500M ang pinsalang naitala ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa sektor ng agrikultura sa probinsya ng Cagayan.
Sa huling datos, mahigit P387M ang nasira sa palayan, mahigit P36M maisan, mahigit P18M sa palaisdaan habang sa gulayan naman ay nasa mahigit P5M.
Bukod pa rito ang mahigit P6M na napinsala sa livestock.
Nakapagtala pa ang ahensya ng P1,619,408,000 na initial na pinsala sa imprastraktura at kabilang sa mga naapektohan ng pagbaha at pagguho ng lupa ay mga kalsada at tulay.
Ayon sa PDRRMO Cagayan, posible pa itong madagdagan dahil nagpapatuloy pa rin ang assessment sa mga naapektohang magsasaka.
Sa datos naman na ibinahagi ni Ronald Villa, Chief ng operation center ng OCD Region 2, 158,136 families o 607,070 ang naapektohan ng mga pagbaha sa buong rehiyon na mula sa 880 Barangays o 79 municipalities ad cities.
Mula sa nasabing bilang 30,478 na indibidwal ang tumuloy sa mga evacuation centers at ang iba ay lumikas sa mga kamag-anak at kapitbahay.
Sa ngayon aniya ay nasa 1,366 families na katumbas ng 4, 873 individuals nalang ang nasa mga evacuation centers at posible pa umano itong mabawasan kasabay ng pagbuti ng lagay ng panahon.
Sumampa na rin sa 30 ang mga nasawi bunsod ng pagkalunod at natabunan sa landslide at pagkakakuryente na mula sa Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.
Sinabi pa ni Villa na natagpuan na ang mga naiulat na missing ngunit nasawi rin ang mga ito mula sa pagbaha.