
Umabot na sa P596,543,989.42 ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Region 2 bunsod ng pananalasa ng magkakasunod na bagyong Mirasol at Nando, batay sa ulat ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ngayong Setyembre 24.
Ayon kay Paul Vincent Balao, Regional Corn Program Focal Person, tinatayang 16,136 magsasaka ang naapektuhan habang nasa 3,286 ektarya ang tuluyang hindi na makakarekober at 13,227 ektarya naman ang may tsansa pang makaligtas.
Pinakamalaking pinsala ay sa palay na umabot sa P424.3 milyon na may 11,084 ektaryang tinamaan.
Sa mais, umabot sa P117.6 milyon ang pinsala, katumbas ng 5,224 ektarya, habang nasa P54.3 milyon naman ang naitalang lugi sa mga high value crops gaya ng gulay at komersyal na pananim.
Nasama rin sa ulat ang pagkamatay o pagkalunod ng mga alagang hayop na nagkakahalaga ng P301,750 at pinsala sa imprastruktura at kagamitan na P640,000.
Nilinaw ng DA na ito ay initial report lamang at posibleng tumaas o bumaba pa ang datos.
Samantala, sinabi ng ahensiya na nakaantabay na ang seed reserve interventions para ipamahagi sa mga magsasaka, at kasalukuyang pinag-aaralan ang rehabilitation plan na maaaring pondohan ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) office.