Tinatayang aabot sa P6.8M ang halaga ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu ang narekober ng isang mangingisda sa dalambasigan ng Sabtang, Batanes nitong July 13, 2025.

Ayon kay PLTCOL Geovani Cejes, information officer ng Batanes Police Provincial Office, natagpuan ng 46-anyos na mangingisda na residente ng Barangay Chavayan, Sabtang ang hinihinalang droga na nakalagay sa isang transparent plastic bag na may label na “66,” na isinilid sa isang gold at black aluminum bag na may markang “freeso dried durien.”

Sinabi ni Cejes, agad na iniulat ito sa mga awtoridad kaya nagkaroon ng coordinated response ang Batanes Provincial Police Office (BPPO), PDEA RO2 Batanes Provincial Office, Sabtang Police Station, Philippine Coast Guard, at Provincial Intelligence Unit.

Narekober ang hinihinalang shabu dakong 11:40 a.m. noong July 13 sa Tinyan, Barangay Chavayan, at pormal na itong ipinasakamay sa Sabtang Police Station bandang 1:59 p.m. noong July 14.

Ito ay may timbang na 1.50kg.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ito ng PDEA Batanes Provincial Office at sasailalim sa laboratory analysis.

Matatandaan na tinatayang aabot sa ₱166.6 million ang halaga ng shabu ang nadiskubre naman sa baybayin ng Barangay Chanarian sa Basco, Batanes noong June 19, 2025.