Patuloy na tututukan ng Commision on Human Rights (CHR) ang magiging apela ng kampo ng pamilya Ampatuan matapos ang guilty verdict sa 2009 Maguindanao massacre.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia na bagamat nasa higit 50 na akusado ang na-acquit ay kuntento ang kagawaran sa hatol laban sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pa na utak ng karumaldumal na krimen.

Bukod dito, tututukan din ng CHR ang pagbabayad danyos ng mga akusado sa pamilya ng mga biktima at ang pag-aresto sa iba pang suspek na at-large.

Matatandaang nagpadala ang CHR ng sarili nitong mga imbestigador, abogado at forensic team para makatulong sa pag-iimbestiga sa karumal-dumal na krimen.

Gaya ng CHR sinabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan na patuloy nilang babantayan ang naturang kaso ng malagim na masaker dahil hindi pa tuluyang nakakamit ng mga biktima ang hustisya.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng grupo na hinatulan man ng guilty ang mga pangunahing suspek, marami pang hindi nahuhuli at marami rin ang naabswelto sa desisyon ng korte.

Bukod pa dito, sinabi ni Palabay na maaari pang iapela ng kampo ng mga akusado ang hatol sa mas mataas na hukuman gaya ng Court of Appeals.

Dapat din umanong panagutin si dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo dahil hinayaan nilang mamayagpag sa Pilipinas ang climate of impunity o kultura ng kawalang pananagutan na nananatili pa umano sa kasalukuyang administrasyon.

Gayonaman, sinabi ni Palabay na kahit mabagal at matagal ang mga pagdinig sa kaso ay napatunayan na gumagana pa rin ang hustisya sa bansa.