
Tiniyak ng House leadership na magiging maayos at disiplinado ang pagdinig sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa plenary session ng Kamara.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, papayagan ang sapat na oras para sa interpellation ng mga mambabatas ngunit mahigpit na ipagbabawal ang anumang “unparliamentary conduct” gaya ng sigawan, palakpakan, booing, at pagpapakita ng placards.
Sinabi ni Hernandez na dapat pairalin ang katahimikan, kaayusan, at disiplina sa buong pagdinig dahil sa bigat ng isyung pinagdedesisyunan.
Sa sesyon, iginiit ni Davao City Third District Representative Isidro Ungab na dapat mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mambabatas na makapagtanong at makapagsuri ng ebidensya bago bumoto sa impeachment complaint.
Sinang-ayunan naman ito ni House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor at sinabing bibigyan ng sapat na oras ang mga miyembro ng Kamara mula sa minority, majority, at independents para sa interpellation at manifestations.
Ayon sa Saligang Batas, kailangan ng hindi bababa sa isang-katlo o 106 sa 318 miyembro ng Kamara para maipasa ang Articles of Impeachment at maipadala ito sa Senado para sa paglilitis.
Kapag napatunayang guilty, matatanggal sa puwesto si Duterte at mawawalan ng karapatang humawak ng anumang pampublikong posisyon.










