
Pinayagan ng International Criminal Court ang 539 umano’y biktima ng kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na lumahok sa mga pagdinig ng kaso laban sa kanya.
Ayon sa ICC, kinabibilangan ang mga kalahok ng mga pamilya ng mga nasawi sa anti-drug operations. Itinalaga rin ng korte ang mga abogado na sina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Paolina Massidda bilang iisang legal team ng mga biktima.
Noong Abril 23, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang tatlong kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte, kabilang ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong siya ay alkalde at noong siya ay pangulo.
Kabilang sa mga biktima na kinilala sa kaso si Kian delos Santos, isang 17-anyos na binatilyo.
Ayon sa ICC Office of the Prosecutor, mahalagang hakbang ito para sa pananagutan at hustisya ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings.
Nauna ring kinatigan ng Appeals Chamber ng ICC ang hurisdiksyon nito sa kaso kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Samantala, sinabi ng Amnesty International sa Pilipinas na ang desisyon ay mahalagang hakbang para sa hustisya ng mga biktima ng drug war killings.










