TUGUEGARAO CITY -Iminungkahi ni dating Inter-Agency Task Force (IATF) Special Adviser Dr. Anthony Leachon ang pagpapalawak sa ipinatutupad na travel ban sa banta ng Omicron variant ng COVID-19 sa halip na muling ibalik ang paggamit ng face shield.

Ipinaalala ni Leachon ang nangyari nang nakapasok sa bansa ang COVID-19 at iba pang variant nito ay dahil sa hindi agad nagpatupad ang pamahalaan ng travel ban mula sa ibang bansa.

Kailangan aniyang maisama sa travel ban ang bansang Hongkong na mayroon na ring kaso ng Omicron variant kaysa sa ibalik muli ang paggamit ng face shield na wala namang basehan sa siyensya na epektibo ito sa pagpapababa ng kaso ng virus.

Paliwanag ni Leachon na magdudulot lamang ng kalituhan ang suhestyong ibalik ang faceshield dahil posible itong iugnay ng publiko sa umanoy korapsyon ng pamahalaan sa pinasok na kontrata sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Bukod sa pagpapatibay sa border control, sinabi ni Leachon na kailangang maglatag ang pamahalaan ng mas klarong mga estratehiya para mapataas ang bilang ng mga mahihikayat na magpabakuna at mapabilis ang herd immunity laban sa Covid-19.

-- ADVERTISEMENT --

Itoy kasunod ng pagiging kulelat ng Pilipinas pagdating sa Global COVID-19 Resilience Ranking ng Bloomberg na bagamat patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay mababa naman ang bilang ng mga nababakunahan.