Posibleng umabot sa pagitan ng 48°C hanggang 50°C ang heat index sa ilang bahagi ng Pilipinas sa pagtatapos ng Abril hanggang unang linggo ng Mayo, ayon sa weather bureau.

Katumbas ito ng aktuwal na temperatura na nasa 39.6°C hanggang 39.8°C o mas mataas pa.

Ayon sa ahensiya, hindi rin isinasantabi ang posibilidad na pumalo sa 52°C ang pinakamataas na heat index na maaaring maitala ngayong taon, bagama’t kung mangyayari man ito, inaasahang hindi ito magtatagal.

Batay sa tala ng weather bureau, ang mga pinakamataas na heat index ay karaniwang naitatala sa mga lugar sa Luzon gaya ng Ilocos Region at Cagayan Valley Region.

Sa ngayon, naitala na ang heat index na nasa pagitan ng 40°C hanggang 44°C sa ilang lugar simula nang magsimulang uminit ang panahon nitong mga nakaraang linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Kahit na sunod-sunod ang mataas na heat index, hindi pa rin pormal na idinedeklara ng weather bureau ang pagsisimula ng dry season.

Nilinaw rin ng weather bureau na iba ang magiging kalakaran ng dry season ngayong 2025 kumpara sa nakaraang taon, kung saan naitala ang mga record-breaking na temperatura at heat index.