Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kung saan talaga nagtago si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, ngayon at siya ay nasa kustodiya na ng Philippine National Police.

Patuloy na inililihim ng mga tagasunod ni Quiboloy ang misteryo sa lugar kung saan siya nagtago ng 16 araw.

Batay sa isang kuwento, bumiyahe umano si Quiboloy mula sa Kidapawan City, Cotabato, nasa 60 na kilometro ang layo mula sa Davao City, para magpakita kina Police Brig. Gen. Romeo Macapaz, chief ng Philippine National Police’s Intelligence Group, at Maj. Gen. Edmundo Peralta, chief ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa mga tagasunod ni Quiboloy, sumuko siya upang matuldukan na ang pagsira sa sacred grounds ng KOJC.

Subalit, walang detalye kung kailan niya ginawa ang pagbiyahe, anong sasakyan ang kanyang ginamit, sinu-sino ang kanyang mga kasama at kung anong tarangkahan ang pinasukan niya sa KOJC compound na binabantayan ng mga awtoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Iba naman ang sinabi ni Atty. Isarelito Torreon, chief legal counsel ng KOJC.

Ayon sa kanya, lumantad si Quiboloy bilang isang “ultimate sacrifice dahil hindi na niya matiis ang pagkasira ng KOJC compound at matiyak na maayos ang mga miyembro ng kanyang simbahan.

Sinabi niya na galing umano sa bundok si Quiboloy.

Kinontra ni Torreon ang sinabi ni Police Brig. Gen. Nicolas Torre III, ground commander ng arrest operation, na naglalakad lang si Quiboloy sa KOJC compound.

Batay sa salaysay ni Torre, siyam na sasakyan ang umalis sa hangar ng Apollo Air, pasado 5:00 ng hapon noong Linggo at pumunta sa Tactical Operations Group-11 ng Philippine Air Force, kung saan may naghihintay na C-130.

Sinabi ni Torre, na sa nasabing oras din bumiyahe si Quiboloy at mga kapwa niya akusado na sina Ingrid Canada, Cresente Canada, Jackielyn Roy at Sylvia Cemañes sa Manila pasado 6:00 p.m.

Habang nasa flight, sinabi ni Torreon na nakapasok na sa compound sina Quiboloy.

Subalit, hindi na umano tinanong ni Torreon kung paano nakapasok ng KOJC compound si Quiboloy.

Ngunit para sa PNP, walang misteryo sa pinagtaguan ni Quiboloy.

Sinabi ni spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nagkaroon ng negosasyon sa pagsuko ni Quiboloy na nagsimula ng 1:30 ng hapon noong Linggo, matapos na magbigay ang PNP sa KOJC ng 24-hour ultimatum sa plano na pasukin ang gusali na hindi pinapayagan na mapasok ng mga operatiba.

Ang tinutukoy ni Fajardo ay ang ACQ College of Ministry, o ang Bible School Building, na ayon kay Torreon at dito lumabas si Quiboloy.