Arestado ang isang lalaking itinuturing na high-value individual (HVI) sa isinagawang drug buy-bust operation ng PNP-Bambang sa lalawigan ng Nueva Vizcaya nitong ika-17 ng Hunyo, ngayong taon.

Kinilala ni Police Major Michael Gobway, Chief of Police ng PNP- Bambang ang nadakip na suspek na si Levi Cesar Taclibon, 48-anyos, residente ng Barangay Bagnot sa bayan ng Bambang.

Ayon kay Gobway, isang buwan nila itong minanmanan bago isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng isang poseur buyer na nakipagtransaksyon ng P200,000 halaga ng shabu kung saan nakumpiska ang mahigit apat na sachet ng kumpirmadong shabu na nagkakahalaga ng halos pitong daang libong piso.

Bukod sa iligal na droga, nakuha rin sa pag-iingat ng suspek ang isang kalibre .38 na baril na may tatlong bala.

Lumabas din sa background check na hindi na ito ang unang beses na nasangkot ang suspek sa iligal na droga at iba pang krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Gobway na dati na itong nakasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, ngunit nadismiss ang kaso bukod pa sa mayroon din umano itong tatlong dating kasong murder na na-settle.

Batay sa inisyal na interogasyon, inamin ng suspek na ang suplay ng iligal na droga ay nanggagaling sa Maynila na kinukuha sa pamamagitan ng isang asset.

Kaugnay naman sa baril na nakuha sa kanyang pag-iingat na batay sa mga impormasyon ay laging may dalang baril ang suspek dahil na rin sa dati nitong pagkakasangkot sa kasong murder.

Sa ngtayon ay pormal nang kinasuhan ng mga kasong paglabag sa iligal na droga at iligal na pagbibitbit ng baril.