Nasa maayos nang kalagayan ang 103 katao na kinabibilangan ng 91 na pasahero at 12 na crew ng Sto Thomas III motorbanca na tumigil sa kalagitnaan ng byahe nito sa karagatan mula sa Sabtang papuntang Ivana sa probinsiya ng Batanes.
Ayon kay CG. Ens. Lindy Shane Omisol, tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, tinatayang nasa 1 nautical mile mula sa karagatang sakop ng Radiwan, Ivana ang nasabing bangka nang ito ay tumigil kung kayat agad na tumawag ng tulong ang isang kawani ng Phil Coast Guard na si CG. Seaman 1st Class Jayson Orendez na kasama sa byahe na dahilan para magsagawa ng Search and Rescue Operation ang Coast Guard Sub Station Ivana.
Agad namang natagpuan ang mga ito at hinila ang bangka sa pamamagitan ng Aljolyner-19 motorbanca na ginamit ng Phil Coast Guard papunta sa Radiwan Port.
Ayon kay Jerome Alavado, boat captain ng Sto Thomas III, nagkaproblema sa main engine ng bangka kaya hindi na ito gumana na dahilan para tumigil ang byahe.
Ayon sa Phil. Coast Guard, hindi naman overload ang bangka at maayos ang panahon noong maganap ang insidente.