Nakapagtala ang Department of Health (DOH) Region 2 ng 1,279 cases ng HIV sa lambak ng Cagayan mula Setyembre 2021 hanggang sa kasalukuyang buwan.
Ayon kay Janneth Ibay, Medical Officer ng ahensya, kasabay ng month long celebration ng World AIDS Day ng kagawaran ay maglulunsad sila ng free HIV Screening tuwing weekends sa lungsod ng Tuguegarao sa pakikipagtulungan ng City Health Office at iba pang munisipalidad sa rehiyon.
Target aniya nilang mahikayat na magpasuri ang mga nagtatrabaho sa mga parlors, salon at iba pang sector na nais maglaman ang kanilang status.
Sa datos ng ahensya, nangunguna ang Isabela na may mataas na kaso ng sakit na sinundan ng Cagayan, Nueva Vizcaya, Quirino at Batanes.
Kadalasan sa apektadong age group ay mula 25-34 anyos habang ang pinakabata ay isang taong gulang na nahawaan habang ipinagbubuntis at ang pinakamatanda naman ay 67 years old.
Sa datos ng ahensya ay 95% sa mga pasyente ay kalalakihan habang 5% ang kababaihan at pangunahin sa dahilan ng hawaan ay sexual contact.
Saad niya, naapektohan ang lahat ng kanilang face to face programs sa pagsisimula ng pandemya kaya’t kasabay ng pagluwag ng mga restrictions ay paiigtingin nila ang kampanya laban sa sakit.
Samantala, sinabi naman ni Mikhail Tagueg, HIV campaigner ng Department of Healtht na tumataas na umano ang kamalayan ng publiko ukol sa HIV hindi lamang sa lambak ng Cagayan kundi sa buong bansa.
Ito aniya ay dahil sa pagsisikap ng pamahalaan, non-government organizations at iba pang stake holders sa ginagawang awareness campaign.
Ayon sa kanya, nababawasan na ang stigma sa mga may HIV/AIDS at tumataas na rin ang pagkakaroon ng mga HIV testing sites at treatment hubs sa buong bansa.
Sinabi niya na nakatulong din para maging accessible ang screening at treatment sa mga may HIV ay ang dahil sa Universal Health Care Law kung saan ay nabibigyan sila ng mas tama at maayos na gamutan..
Gayonman, sinabi niya na may mga tao pa rin na nahihiya na lumapit sa mga testing centers kaya lalo pa nilang pinapaigting ang awareness campaign kahit ngayong panahon ng pandemic.
Ayon sa kanya, nakaka-adopt na rin sila sa new normal kung saan ay tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo sa mga may HIV.
Bukod dito, sinabi ni Tagueg na mayroon na ring tinatawag na ” safe space” sa mga botika at maging sa mga health centers kung saan ay dito maaaring kumuha mg libre ng condoms o lubricants ang mga nahihiya na bumili nito.