
Mahigit 134,000 indibidwal ang naapektuhan ng Tropical Depression Wilma at ng umiiral na shear line, ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinatayang 44,378 pamilya mula sa 340 barangay sa pitong rehiyon ang nakaranas ng epekto ng sama ng panahon.
Kabilang dito ang Bicol Region, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga Region.
Aabot sa 14,930 indibidwal o 4,633 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa 64 evacuation centers, habang mahigit 300 pamilya naman ang nakikituloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Nagbigay na ang DSWD ng humigit-kumulang ₱1.7 milyon na tulong sa mga naapektuhang lugar.
Sa Eastern Visayas, higit 3,000 pamilya ang nauna nang inilikas bilang bahagi ng preemptive evacuation ng Office of Civil Defense (OCD) Region 8.
Samantala, iniulat ng state weather bureau na humina na si Wilma at naging low pressure area, dahilan upang tanggalin ang lahat ng wind signal sa bansa.
Gayunpaman, posible pa rin ang muling paglusog nito habang nasa West Philippine Sea.










