Mahigit 1K indibidwal ang naserbisyuhan sa tatlong “Handog ng Pangulo” sites ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), kasabay ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Bong Bong Marcos Jr ngayong araw ng Sabado, Sept. 13.
Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng DOH-CVMC, alas 6:00 ng umaga nang buksan ang outpatient deparment ng pagamutan para sa libreng serbisyong pangkalusugan.
Tampok dito ang ibat-ibang libreng serbisyong medikal gaya ng dental services, medical check-up, laboratory tests, eye screening, pamamahagi ng assistive devices gaya ng wheelchair at prosthesis, bloodletting at iba pa.
Batay sa datos, nasa 732 pasyente sa CVMC ang naserbisyuhan ng libreng serbisyong pangkalusugan habang 149 na pasyente sa Bagong Urgent Care and Ambulatory Service o BUCAS center sa Amulung at 206 pasyente naman sa BUCAS Center sa Sta Teresita.
Kasabay nito, sinabi ni Antonio na tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo ng “BUCAS sa Gabi” sa CVMC para sa mga pasyenteng hindi nakahabol sa outpatient consultation.
Samantala, pinangunahan naman ni Cagayan Governor Edgar Aglipay, kasama ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamahagi ng ibat-ibang serbisyo at tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan para sa taunang Handog ng Pangulo na isinagawa sa Tuguegarao City.
Sa kaniyang mensahe, muling binigyang-diin ni Aglipay ang pagpapabuti sa kabuhayan ng bawat Cagayano, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda, sa pamamagitan ng mga programang nakapaloob sa kanyang E.G.A.Y. Platform.