
Aabot sa 70,575 pamilya o 225,557 indibidwal ang apektado ng Severe Tropical Storm Paolo (Matmo), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.
Sa kabuuan, 3,940 pamilya o 11,964 katao ang nananatili sa 284 evacuation centers, habang 2,997 pamilya o 8,585 indibidwal naman ang tinutulungan sa labas ng mga ito. Walang naiulat na nasawi, nasugatan, o nawawala.
Nagdulot si Paolo ng pagbaha sa ilang bahagi ng Region 1, Region 3, at Calabarzon, kung saan 23 lugar sa Region 1 ang nananatiling lubog sa tubig. Apektado rin ang 98 kalsada at 34 tulay, at nananatiling hindi madaanan ang 27 kalsada at 32 tulay.
Nasuspinde ang biyahe sa 16 pantalan, habang 176 pasahero, 37 rolling cargoes, 32 barko, at pitong motor banca ang na-stranded. Labintatlong bahay ang nasira sa Cordillera Administrative Region.
Naitala rin ang P389,566 halaga ng tulong na kailangan para sa 829 pamilyang apektado, kung saan 550 pamilya na ang nabigyan ng ayuda.
Si Paolo ay nabuo bilang tropical depression noong Oktubre 1, lumakas bilang bagyo noong Oktubre 3, at humina bilang severe tropical storm bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility noong Oktubre 4.