Makikipagpulong si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Sen. Erwin Tulfo sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) tungkol sa dapat gawin sa higit-kumulang 24 Pinoy seafarers na nakasakay ngayon sa ilang barko ng Russia.

Ang impormasyon hinggil sa bilang ng mga Pinoy seaman ay ibinahagi ni Ukraine Ambassador Yuliia Fediv kay Tulfo nang mag-courtesy call ang naturang diplomat sa senador noong nakaraang linggo.

Sa nasabi ring courtesy visit, pinakiusapan ni Sen. Tulfo si Ambassador Fediv kung maaaring makausap ni Filipino prisoner of war Raymon Santos Gumangan ang kanyang pamilya kahit sa telepono lang.

Matatandaang si Gumangan ay nadakip ng mga tropa ng Ukraine na nakikipaglaban sa ilalim ng Russian forces kahit na ayon sa pamilya niya ay pagiging “logistics truck driver” ang nakuha niya trabaho sa isang online job-hunting platform.

Nangako si Fediv na tutulong para makausap ni Gumangan ang naiwang pamilya dito sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Nangako din ang lady ambassador of Ukraine to the Philippines na tatratuhin nang maayos si Gumangan sa ilalim ng Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War.