Sumalang na sa mandatory drug test ng Land Transportation Office (LTO) ang mahigit 300 bus driver at konduktor ng Solid North Bus sa kanilang Terminal sa EDSA Cubao.
Alinsunod ito sa naunang direktiba ni Transportation Sec. Vince Dizon para isulong ang road safety.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, agad aaksyunan ng ahensya ang mga driver at konduktor na magpopositibo sa drug test.
Nanawagan naman sa pamahalaan si Pangasinan Solid North Bus Union President Emerito Sanchez na huwag suspendihin ang kabuuang operasyon ng Solid North kundi isang ruta lang.
Aniya, may mga pamilya din ang kanilang mga empleyado na lubhang maaapektuhan kung patitigilin ang kanilang operasyon.
Inaasahang may 200 driver at konduktor pa ang sasalang sa mandatory drug test bukas.
Sa tala ng pamunuan ng Solid North, mahigit 500 driver, konduktor at bus attendants ang pinasasailalim sa mandatory drug test.