Tumaas umano ang bilang ng mga inang nagsisilang ng sanggol na pabata nang pabata ang edad noong 2023 batay sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa PSA, nasa 2,113 sanggol daw ang naipanganak mula sa mga inang wala pang edad 15 noong 2020 at patuloy na umakyat hanggang 3,343 pagdating ng 2023.

Sa ginanap na press conference ng Child Rights Network (CRN), binigyang-diin nila ang nasabing isyu sa gitna ng panawagan nilang suportahan ng mga mambabatas ang Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill.

Kaya aniya, mahalaga raw ang comprehensive sexuality education upang bigyan ng espasyo at lakas ng loob ang mga bata na isumbong sa mga guro at awtoridad ang mararanasang abuso mula sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga.

Matatandaang matapos bawiin ng ilang senador ang pirma nila sa Senate Bill 1979, inihayag ng umakda nitong si Senador Risa Hontiveros na gagawa ng substitute bill para ikonsidera ang pangamba ng iba’t ibang grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., babasahin muna raw niya ang substitute bill matapos tanungin kung magbabago ba ang tindig niya sa usaping ito.