Umaabot sa 4,423 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Region 2, matapos makapagtala ng 424 na panibagong kaso ang Department of Health- Cagayan Valley Center for Health Development noong May 13, 2021.
Sa official COVID-19 bulletin, iniulat ng DOH-RO2 na pumalo na sa 38,092 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon mula noong nakaraang taon.
Nangunguna naman ang lalawigan ng Cagayan sa may pinakamataas na aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon sa bilang na 1,809.
Sinundan ito ng lalawigan ng Isabela na may 1,736 aktibong kaso; Nueva Vizcaya sa 471; Quirino sa 305; at Santiago City sa 102 na aktibong kaso.
Nanatili namang walang naitalang panibagong kaso ng tinamaan ng virus sa lalawigan ng Batanes.
Samantala, naitala ang 397 panibagong gumaling habang 33 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.
Sa ngayon umabot na sa 32,768 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling habang 889 naman ang bilang ng mga nasawi.