Tinatayang aabot sa mahigit 429,000 ektarya ng standing crops sa Rehiyon Dos ang nanganganib na maapektuhan ng paparating na Bagyong “Crising.”

Ayon kay Regional Technical Director Kay Olivas, Focal Person ng Disaster Risk Reduction Unit ng Depatment of Agricuture Region 2 , batay sa datos ng ahensiya, mahigit 181,000 ektarya ang taniman ng palay (rice) habang mahigit 168,000 ektarya naman ang mais (corn), na parehong nasa vegetative stage.

Samantala, umaabot sa mahigit 79,000 ektarya ang taniman ng high-value crops tulad ng gulay at prutas, karamihan sa mga ito ay nasa maturity stage.

Sinabi ni Olivas na ang mga pinaka-maapektuhang lugar na may tanim na palay at mais ay ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino, kung saan halos lahat ng magsasaka ay nakapagtanim na para sa kasalukuyang dry season.

Habang sa lalawigan naman ng Batanes, ay mga high-value crops ang mga pinaka-maapektuhan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, magandang balita ang naitalang maagang pag-aani ng mahigit 231,000 ektarya ng mais, na siyang nagbigay ng bahagyang kaluwagan sa posibleng epekto ng bagyo.

Sinabi ni Olivas na nakahanda na rin ang ahensya sa posibleng rehabilitation phase matapos ang bagyo.

Aniya, sa panahon ng kalamidad ay nagsasagawa ang ahensiya ng buffer stocking ng mga binhi tulad ng rice seeds, corn seeds, at vegetable seeds, na madaling itanim at hindi nangangailangan ng maraming kemikal upang ipamahagi sa mga magsasaka at tulungan silang magkaroon ng panibagong mapagkakakitaan.