Nasawi ang 622 katao at mahigit 1,500 ang sugatan matapos ang isang magnitude 6.0 na lindol na tumama sa silangang bahagi ng Afghanistan noong hatinggabi, ayon sa pahayag ng Taliban-run Afghan Interior Ministry.
Pinakamatinding naapektuhan ang mga liblib at bulubunduking lugar, kung saan patuloy ang search and rescue operations sa mga gumuhong kabahayan.
Ayon sa mga opisyal, tatlong baryo sa lalawigan ng Kunar ang tuluyang nawasak habang marami pang iba ang matinding napinsala. Sa isang baryo pa lamang, 30 katao ang naiulat na namatay at daan-daan ang isinugod sa mga ospital.
Gamit ang mga helikopter, inilikas ang mga sugatan mula sa mga nasalantang lugar patungo sa mga pagamutan sa Jalalabad at Kabul.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, wala pang banyagang pamahalaan ang nagpadala ng tulong para sa rescue o relief operations, ayon sa tagapagsalita ng Foreign Office.
Nagbabala naman ang mga opisyal ng kalusugan na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi at nasugatan habang nagpapatuloy ang pagkalap ng datos mula sa mga apektadong lugar.
Ang lindol ay tumama sa lalim na 10 kilometro, isang lalim na karaniwang nagdudulot ng matinding pag-uga sa ibabaw ng lupa.
Ayon sa mga eksperto, bahagi ng Hindu Kush mountain range ang lugar na tinamaan, isang rehiyong madalas makaranas ng lindol dahil sa banggaan ng Indian at Eurasian tectonic plates.
Matatandaang noong nakaraang taon, higit 1,000 katao ang nasawi sa sunod-sunod na lindol sa kanlurang bahagi ng bansa, na nagpapakita ng matinding kahinaan ng Afghanistan sa harap ng mga natural na kalamidad, lalo na sa gitna ng mga umiiral na humanitarian crisis at kakulangan sa pandaigdigang tulong.