Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 na umabot sa kabuuang 2,214 pamilya o katumbas ng 7,661 indibidwal anfg apektado ng Bagyong Mirasol sa Lambak ng Cagayan.

Ayon kay Mia Edcel Carbonel, Information Officer ng OCD Region 2, sa kasalukyan walong evacuation centers ang bukas sa rehiyon kung saan pansamantalang nanunuluyan ang 57 pamilya o 185 katao, karamihan ay mula sa 19 barangay sa Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Mayroon ding 54 indibidwal ang stranded sa probinsiya ng Batanes dahil sa mga kanseladong flights.

Batay sa datos ng ahensiya, sa kasalukuyan, wala namang naitatalang nasawi o napinsala na mga kabahayan.

Gayunpaman, patuloy pa ring nakabantay ang mga awtoridad dahil nananatiling mataas ang banta ng pagbaha at landslide sa ilang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Carbonel na isa sa mga gate ng Magat Dam ay nakabukas ng 0.5 metro na nagdudulot ng patuloy na pagtaas ng tubig sa Cagayan River.

Pinapayuhan ang mga residente sa mabababang lugar na manatiling alerto at makinig sa anunsyo ng lokal na pamahalaan.

Nananatili rin sa blue alert status ang OCD Region 2 upang tiyaking nakahanda ang lahat ng response clusters at rescue teams.

Kasabay nito, puspusan ang paghahanda ng mga awtoridad sa paglapit ng Bagyong Nando na ayon sa forecast ay posibleng umabot sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 5.

Dahil dito, naka-standby na ang mga evacuation plan, relief goods, at rescue equipment upang agad makapagsagawa ng operasyon sakaling lumala ang epekto ng paparating na bagyo.