Aabot na sa 448 families o 1,473 individuals ang apektado ng mga malakas na pag-ulan at pagbahang dulot ng super typhoon goring sa ibat ibang munisipalidad sa Cagayan.
Ayon kay Rueli Rapsing, Head ng Provincial Disaster Risk Reduction Office ng Cagayan, ito ay kinabibilangan ng mga isinailalim sa pre-emptive evacuation na inilikas sa ligtas na lugar kasama na ang mga residenteng nakaranas na ng mga pagbaha.
Mula sa nasabing bilang 433 individuals o 157 families dito ang nasa ibat ibang mga evacuation centers habang ang iba ay nakituloy naman sa kanilang mga kaanak o kapitbahay na may mataas at ligtas na bahay.
Kabilang sa mga bayan na nagtala ng evacuees ay ang Gonzaga, Sta. Ana, Gattaran, Baggao, Sta. Teresita at Lal-lo.
Sinabi ni Rapsing na posible pang madagdagan ang naturang bilang dahil nagpapatuloy pa ang pakikipag-ugnayan nila sa iba pang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office sa Cagayan.
Sa ngayon ay hindi naman madaanan ang Bagunot Bridge sa bayan ng Baggao at ang isa pang lansangan sa bayan ng Sto. Nino, gayonman ay passable pa ang mga provincial at national roads.
Saad ni Rapsing na nakaalerto pa rin ang mga personnel ng PDRRMO at mga miyembro ng task force Lingkod Cagayan para sa nagpapatuloy na pagresponde sa mga residenteng nasa mababang lugar.