Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkakarekober ng hinihinalang shabu ang naiulat sa lalawigan ng Cagayan nitong Hunyo 17, 2025.
Ayon sa ulat, dakong 12:40 ng tanghali, nagtungo ang mga tauhan ng Gonzaga Police Station sa Brgy. Tapel matapos makatanggap ng ulat mula sa isang mangingisda na nakakita ng lumulutang na mga sako sa dagat.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na bandang 4:00 ng madaling araw ng Hunyo 16, ay natagpuan ang isang puting sako na may lamang 15 bloke ng puting kristal na substansiya, isang sirang pakete, at limang walang lamang plastik.
Isinuko rin ng isang mangingisda mula Brgy. Tangatan, Sta. Ana ang isang lumulutang na pakete na kanyang nakita bandang 10:00 ng umaga.
Ayon sa kanya, aksidenteng napunit ang nasabing pakete habang isinasampa sa kanyang bangka, dahilan upang kumalat ang laman nitong hinihinalang shabu sa dagat.
Kaagad niya itong iniulat sa pulisya dakong 12:50 ng tanghali at narekober mula sa kanya ang isang sachet na may label na “66,” nakabalot sa isang gold-colored plastic wrapper na may Chinese characters at markang “Freeso-dried Durien.”.
Kinumpirma ni PCOL Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan PPO, na ang magkakasunod na insidenteng ito ay lubhang nakakabahala.
Aniya, patuloy ang ginagawang imbestigasyon at mahigpit ang koordinasyon ng pulisya sa iba’t ibang ahensya upang matukoy ang pinagmulan ng mga kontrabando at mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa probinsya.
Ipinasa na sa kustodiya ng PDEA Regional Office 2 ang mga narekober na item para sa kaukulang pagsusuri at beripikasyon.