Umabot sa halos P118 milyon ang kabuuang pinsalang iniwan ng Bagyong Crising sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA-Cagayan) malawak ang naging epekto ng bagyo sa mga palayan, maisan, high value crops, at pangisdaan, lalo na sa mga bayan sa downstream at coastal areas ng probinsya.
Pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng palayan, kung saan tinatayang higit 7,600 ektarya ng taniman ang nasalanta, na nakaapekto sa mahigit 6,400 na magsasaka.
Tinatayang aabot sa P78 milyon ang halaga ng nasirang pananim.
Sa maisan, higit 1,700 ektarya naman ang naapektuhan, na nakaapekto sa mahigit 2,600 magsasaka, at nagdulot ng tinatayang P24 milyon na halaga ng pinsala.
Hindi rin nakaligtas ang mga nagtatanim ng high value crops tulad ng mga gulay, partikular na ang mga “pakbet” type vegetables.
Umabot sa 52 ektarya ng taniman ang nasalanta, na nakaapekto sa 421 na vegetable growers, at nagresulta sa halos P7 milyon na halaga ng pagkasira.
Sa sektor naman ng pangisdaan, naapektuhan ang 23 ektarya ng fishponds, kung saan 378 mangingisda ang nawalan ng kita.
Nasira rin ang 11 fish cages at isang bangka.
Dahil sa banta ng bagyo, napilitang mag-force harvest ng 25 metric tons ng malaga na may halagang higit P8 milyon.
Bahagi ng mga isda ay binili ng pamahalaang panlalawigan upang maiwasang masayang ang ani.
Ayon kay Antonio, patuloy ang ginagawang assessment at suporta ng OPA-Cagayan upang matulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa epekto ng kalamidad.