Umabot na sa halos P1 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga pamilyang sinalanta ng Bagyong Crising at habagat sa rehiyon ng Bicol, ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-5) ngayong Lunes, Hulyo 21.

Batay sa ulat, nasa P958,804 ang kabuuang halaga ng food at non-food items na naipadala na sa mga apektadong pamilya.

Kabilang dito ang P920,314.05 na halaga ng relief goods at 483 family food packs na naipamahagi sa 17 barangay, kabilang ang mga matinding naapektuhan gaya ng Bagasbas, Awitan, San Isidro, at Mambalite.

Bukod dito, sinabi ni Laurio na may nakaabang pang stockpile at standby funds na nagkakahalaga ng P271 milyon na handang ipamahagi kung kakailanganin pa sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Kasabay nito, nagpaabot din ng tulong ang mga lokal na pamahalaan at ang Philippine Coast Guard sa mga stranded na pasahero sa mga pantalan at terminal sa pamamagitan ng pamamahagi ng mainit na pagkain.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa pinakahuling tala, tinatayang nasa 3,966 pamilya o 18,160 katao mula sa 56 barangay sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Masbate ang naapektuhan ng bagyo.

Sa Camarines Sur, 21 pamilya o 34 katao ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center. Naiulat din ang pagkasira ng apat na kabahayan sa naturang probinsya.

Patuloy ang pagbabantay ng DSWD at mga kaugnay na ahensya upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga nangangailangang mamamayan.