Nakalikom ng hindi bababa sa P20 milyong piso ang nakolektang halaga ng Philippine National Police (PNP) mula sa charity boxing match na isinagawa nitong linggo, Hulyo 27, 2025.

Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III nakakolekta ang kanilang tanggapan ng higit sa P16.3 milyong halaga ng mga donasyon habang nakatanggap din ng mga bigas, delata at iba pang relief items ang Pambansang Pulisya mula sa mga iba’t ibang sponsors nito.

Ang naturang pondo at relief items ay siyang ipapamahagi sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo kung saan nauna nang mamahagi ang PNP sa mga residente sa Baseco Compound na isa sa mga lugar na binaha dulot ng tuloy-tuloy na paguulan nitong mga nakalipas na araw.

Samantala ang iba pang pondo ay ibinigay na sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Red Cross (PRC) at maging sa iba pang government organizations sa Quezon City.

Sa ngayon ay naipaabot na ang mga paunang tulong na ito sa mga tamang ahensya at ilang mga residente habang patuloy naman sa kanilang pagtulong sa mga relief operations ang kapulisan ng PNP bilang pagpapaabot ng tulong sa mga lubhang nasalanta ng mga kalamidad.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpasalamat naman ang hepe sa mga tumangkilik sa programa na ito at maging sa mga sponsors na nagbigay ng kanilang tulong upang maging matagumpay ang naturang charity boxing match.