Aabot sa P8,179,098 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura na sumasaklaw sa palay at mais dahil sa Bagyong Marce sa Apayao ayon yan sa Provincial Office of Agricultural Services (POAS) Apayao.
Kaugnay nito ay hindi rin tinatanggal ang posibilidad na maaari pang magbago ang nasabing halaga dahil nagpapatuloy parin ang consolidation at assessment.
Ayon sa ahensiya, lumabas sa datos ng Disaster Risk Reduction and Management Information System (DRRMIS) na umabot sa mahigit P3million ang danyos sa bigas, habang mahigit P4million naman ang danyos sa yellow corn.
Dagdag pa rito, nasa 542 magsasaka na nagtatanim ng mahigit 424.86 ektarya ang naapektuhan ng nasabing bagyo.
Sa kabuuang halaga ng pagkasira sa palay, ang munisipalidad ng Conner ang may pinakamataas na pagkalugi na may mahigit P1 million habang ang Flora naman ay nakapagtala ng mahigit P1 million na halaga ng pinsala, mahigit P671,00 naman sa Kabugao at mahigit P127k naman sa Pudtol.
Samantala, pinamatindinang tinamaan naman ang Pudtol sa pananim na mais kung saan umabot ang halaga ng napinsala sa P2,645,738, sumunod ang Conner na may P1,139,586, pumangatlo ang Kabugao na P521,490 at Flora na may P168,750.
Karamihan umano sa mga pangunahing pananim na ito ay nasa pagkahinog at reproductive na.
Sinabi ni Provincial Agriculturist Prudencio Bosing, na hindi pa kasama sa pinagsama-samang ulat ang mga pinsala sa iba pang mga kalakal tulad ng High Value Crops, Fishery, at Livestock.
Kamakailan, idineklara naman ang Apayao na isang State of Calamity kung saan sa naturang deklarasyon, maaaring magsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng mga hakbang tulad ng paglalaan ng calamity funds at price freeze para sa mga pangangailangan.